Kampo ni Senador Antonio Trillanes IV hiniling sa Korte Suprema na ipawalang-bisa at pigilin ang pagpapatupad ng Proclamation 572 ni Pangulong Duterte
Nagpasaklolo na sa Korte Suprema si Senador Antonio Trillanes IV laban sa Proclamation 572 ni Pangulong Duterte na nagpapawalang-bisa sa kanyang amnestiya.
Sa mahigit 30-pahinang petisyon na inihain ng abogado ni Trillanes na si Reynaldo Robles, hiniling ng senador na magpalabas ang Supreme court ng Writ of Preliminary Injunction o TRO para pigilin ang implementasyon ng Proclamation 572.
Partikular na ipinapahinto ni Trillanes ang pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Duterte sa proklamasyon na ituloy ng DOJ at Court Martial ng AFP ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa senador, at arestuhin ito ng AFP at PNP at dalhin sa dating pinagkulungan dito para harapin sa mga kaso nito kaugnay sa Oakwood Mutiny at Manila Peninsula siege.
Nais din ng senador na ideklara ng Supreme Court na walang bisa o void ab initio ang Proclamation 572 ni Duterte dahil sa paglabag sa mga batas at Konstitusyon.
Tinukoy na respondents sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG OIC Eduardo Año, Justice Secretary Menardo Guevarra, AFP Chief of Staff Carlito Galvez at PNP Chief Oscar Albayalde.
Iginiit ng kampo ni Trillanes na walang basehan ang proklamasyon ni Duterte at hindi maaring bawiin ang isang amnestiya.
Umabuso anya si Duterte sa pagpapalabas ng proklamasyon at pagutos na arestuhin siya sa kabila ng walang warrant of arrest.
Tinawag pa ng senador na political harassment ang hakbang ng Pangulo at nilabag ang due process at equal protection clause sa Saligang Batas.
Labag din anya sa Konstitusyon ang Proclamation 572 dahil sa paglabag sa “shared power” ng pangulo at Kongreso.
Bukod sa mga ito, nilabag din daw ng proklamasyon ang karapatan ni Trillanes laban sa double jeopardy.
Nanindigan ang panig ng senador na nakapagsumite ito ng aplikasyon at nabigyan ng amnestiya.
Nakasaad din daw sa application form ang pag-amin ni Trillanes na lumabag sa Konstitusyon at sa Articles of War at binabawi ang mga naunang pahayag na taliwas sa pag-amin niya ng partisipasyon at pagkakasala.
Ulat ni Moira Encina