Kampo ni Sereno iginiit na sang-ayon sa Konstitusyon ang pagtapos nito sa kanyang Indefinite leave at magbalik sa trabaho
Iginiit ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na alinsunod sa Saligang Batas ang pagbabalik nito sa kanyang opisina at hindi na nito kailangan ng pahintulot para makabalik.
Ipinunto pa ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno ang pahayag ni dating SC Justice Vicente Mendoza na nasa karapatan ni Sereno kung kailan nito tatapusin ang kanyang leave at magbabalik sa trabaho.
Matatandaan na naghain ng indefinite leave si Sereno noong March 1 matapos na mapagkasunduan ng Supreme Court en banc na dapat itong magbakasyon sa iba-ibang dahilan.
Tumuntong muli sa Supreme Court si Sereno matapos ang mahigit dalawang buwang bakasyon sa pwesto lumabas saglit sa kanyang opisina sa Korte Suprema si Sereno para magpakita at kumaway sa kanyang mga taga-suporta na nasa labas ng Supreme Court.
Pero matapos magpakita sa mga supporters nito ay umalis din si Sereno bandang alas onse ng umaga sa Korte Suprema para dumalo sa isang speaking engagement.
Sinabi ni Cruz na bumalik sa Korte Suprema ang Punong Mahistrado matapos makumpleto ang paghahanda sa kanyang legal defense sa impeachment complaint laban sa kanya.
Ngayong nakamit na anya ni Sereno ang layunin ng indefinite leave nito ay ipagpapatuloy na nito ang pagtupad sa kanyang mandato at responsibilidad bilang pinuno ng Hudikatura.
Nanindigan din ito na hindi magbibitiw sa puwesto si Sereno.
Ulat ni Moira Encina