Kampo ni Suspended Congressman Teves ipinadi-dismiss ang mga kaso kaugnay sa 2019 Negros Oriental killings
Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa mga reklamong murder laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa sinasabing serye ng patayan sa Negros Oriental noong 2019.
Sa pagdinig, naghain ang mga abogado ni Teves ng motion to dismiss laban sa reklamo na inihain ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon kay Atty. Edward Santiago, abogado ni Teves, hindi corroborated ang testimonya ng nag-iisang testigo ng pulisya sa kaso.
Alinsunod aniya sa batas at sa jurisprudence, in-admissible ang mga nasabing paratang ng isang testigo.
Bukod kay Teves, naghain din ng motion to dismiss ang kampo ng sekretarya ng kongresista na si Hannah Mae Sumerano at kontra-salaysay ang isang pang respondent na si Rolando Pinili.
Sinabi ng abogado ng dalawa na si Atty. Toby Diokno na hindi dumaan sa tamang proseso ang extra judicial confession ng testigo.
Dagdag pa ng abugado na malabo at pawang general allegations lang ang mga reklamo laban sa kaniyang mga kliyente.
Binigyan aniya ng DOJ ng 10-araw ang CIDG na maghain ng tugon sa kanilang mosyon.
Moira Encina