Kampo ni VP Leni Robredo muling hiniling sa Presidential Electoral Tribunal na ibasura na ang election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos
Nagsumite na ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal ng tugon sa mga komento ng COMELEC at ng Office of the Solicitor General kaugnay sa election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Sa consolidated comment ni Robredo na inihain ng abogado niyang si Atty Romulo Macalintal sa PET, muling inihirit ng kampo ng bise presidente na pagtibayin ng Tribunal ang resulta ng manual recount sa mga balota sa Camarines Sur, Negros Oriental, at Iloilo kung saan lumabas na lamang siya ng labing limang libong boto kay Marcos.
Hiniling din muli ng kampo ni Robredo na ibasura na ang protesta ni Marcos dahil sa bigo itong makakakuha ng substantial recovery votes sa nasabing tatlong pilot provinces.
Malinaw anila sa Rule 65 ng PET Rules na dapat mabasura ang protesta kapag nabigo ang protestant na mapatunayan ang kaso nito.
Iginiit ng kampo ni Robredo na pagkatapos ng apat na taon ay panahon na para tanggapin ni Marcos ang pagkatalo nito noong 2016 elections.
Sa komento ng OSG at COMELEC, parehong sinabi nito na may kapangyarihan ang PET na magpawalang-bisa o o magdeklara ng annulment ng boto nang hindi nagpapatawag ng special elections.
Pero ipinunto ng mga abogado ni Robredo na pwede lamang i-annul ng Tribunal ang resulta ng halalan kapag naresolba na nito ang isyu kung napatunayan ni Marcos ang kaso nito sa kanyang tatlong pilot provinces.
Moira Encina