Kampo ni Wellmed co-owner Bryan Sy, hiniling kay Justice Sec Menardo Guevarra na mapalaya na ng NBI
Hiniling ng mga abogado ni WellMed Dialysis Center co-owner Bryan Christopher Sy sa DOJ na agad nang palayain ang kanilang kliyente.
Sa liham na ipinadala ng mga abogado ni Sy kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sinabi na lumipas na ang 36-hour period mula nang arestuhin ang negosyante ng NBI pero wala pa ring naisasampang kaso laban dito sa hukuman.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, mayroon hanggang 36 oras ang mga otoridad para ikulong ang isang suspek nang walang naisasampang kaso sa korte.
Dahil dito, wala anilang batayan ang patuloy na pagkakaditene ni Sy sa NBI.
Samantala, sinabi ni Guevarra na hindi muna niya aaksyunan ang sulat ng kampo ni Sy dahil nakatakda na ring maglabas ng resolusyon sa kaso ang inquest prosecutor na si Senior Assistant State Prosecutor Anna Noreen Devanadera.
Una nang sinampahan si Sy at iba pang mga opisyal ng Wellmed ng NBI sa DOJ ng reklamong estafa at falsification of documents.
Ulat ni Moira Encina