Kapakanan ng local hog raisers, pinatitiyak ni PRRD bago mag-angkat ng karne ng baboy sa ibang bansa

Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Agriculture (DA) na protektado ang kapakanan ng mga lokal na magbababoy bago mag-angkat ng karne ng baboy sa ibang bansa.

Ito ang kautusan ng Pangulo kay Agriculture Secretary William Dar sa pinakahuling cabinet meeting kaugnay ng problema sa mataas na presyo ng karne ng baboy.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinagtibay ng Pangulo ang kahilingan na umangkat ng karne ng baboy na aabot sa 400,000 metric tons alinsunod sa Minimum Access Volume para mapunan ang kakulangan ng supply sa bansa.

Ayon kay Roque bago umangkat ng karne ng baboy sa ibang bansa ay dapat bilhin muna ang karne ng baboy na mula sa mga local hog producers upang hindi mapunta sa pagkalugi ang industriya ng lokal na magbababoy.

Inihayag ni Roque na dahil sa kakulangan ng suplay ng karne ng baboy dulot ng African Swine Fever (ASF), tumaas nang husto ang presyo na umabot hanggang P400 kada kilo.

Niliwanag ni Roque na ang pork meat importation ay pansamantalang solusyon lamang kaya naglabas ang Malakanyang ng P1 Bilyon pondo para sa re-population o pagpaparami ng mga baboy sa ibat-ibang panig ng bansa na tinamaan ng ASF.

Vic Somintac


Please follow and like us: