Karagatan ng Mindoro ligtas na ulit pangisdaan matapos ang nangyaring oil spill
Nilinaw ni Mindoro Oriental Gov. Bonz Dolor na ligtas nang pangisdaan ang kanilang mga karagatan, kasunod ng nangyaring oil spill sa katubigang bahagi ng Mindoro noong nakaraang taon.
Giit ni Dolor, walang katotohanan ang report ng Center for Ecology, Energy and Development na hindi pa ligtas ang karagatan ng kanilang probinsiya.
Katunayan, noong pa aniyang September 29, 2023 ay nagpasa ng resolusyon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na nagrerekomenda nang pagbawi sa state of calamity sa buong lalawigan.
Ayon sa gobernador, ito ay matapos lumabas ang ika-anim na cycle ng regular testing ng Department of Health at ng Department of Environment and Natural Resources patungkol sa grease and oil levels.
Ipinagmalaki ni Dolor na isa itong tagumpay mula sa nangyaring trahedya sa kanilang lalawigan dulot ng malawakang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Tiniyak din ni Dolor na patuloy pa rin ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga naapektuhang residente.
Madelyn Moratillo