Karagdagang 1 milyong doses ng Sinovac vaccine, dumating na sa bansa
Dumating na sa bansa kaninang alas-7:22 ng umaga ang biniling isang milyong doses ng Sinovac vaccine mula sa China.
Sinalubong nina National Task Force (NTF) against Covid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III ang pagdating ng mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Cebu Pacific flight 5J671 .
Ang mga bakunang dumating ay inaasahang ipapamahagi sa Visayas at Mindanao na may mataas na kaso ng Covid-19 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular ang Zamboanga, Cagayan de Oro, Butuan at iba pang lugar sa Region 6.
Sinabi ni Galvez na sa pamamagitan ng karagdagang mga bakuna ay inaasahang aabot na ng hanggang 5 milyong Filipino ang mababakunahan bago matapos ang Hunyo.
Sa kasalukuyan, ang bansa ay nakatanggap na ng 9.3 milyong doses ng Covid-19 vaccine kabilang na ang 6.5 million Sinovac.
Inaasahang may mga bakuna pang darating sa mga susunod na araw lalu’t sisimulan na bukas, June 7 ang pagbabakuna sa A4 Priority group.