Karagdagang 50 Filipino mula sa Laos, nakauwi na sa bansa
Matagumpay na nakauwi sa bansa ang nasa 50 pang Pinoy sa pamamagitan ng Myanmar National Airlines sweeper flight UB-9905 na inorganisa ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Katuwang ng DFA ang Office of Migrant Workers’ Affairs at ang Philippine Embassy sa Laos sa repatriation ng mga Pinoy.
Kabilang sa 50 mga pasahero ay 7 mga bata, isang buntis, isang aso at labi ng isang Pinoy na pumanaw sa Laos noong Hulyo.
Kasama ng 50 mga Pinoy na umuwi sa pamamagitan ng sweeper flight ang 92 pang Pinoy mula naman sa Myanmar at Cambodia.
Bawat isang pasahero ay binigyan ng Embahada ng bag na naglalaman ng face mask, face shield, hand sanitizer, snacks at mga coloring books at krayola para sa mga bata.
Pinagkalooban din ng one-time financial assistance na 200 US dollars ang bawat isang adult passenger.
Bago ang flight, 13 sa 50 Pinoy ang una nang nabigyan ng food at lodging ng Embahada.
Ito ang unang repatriation flight mula sa Laos ngayong 2021 at ikalawa naman simula noong 2020.
Sa kabuuan, nasa 95 overseas Filipino mula Laos ang natulungan nang makauwi ng bansa mula nang magka-Pandemya.