Karagdagang 500,000 doses ng Sinovac Vaccine, dumating na sa bansa
Dumating na sa bansa ang karagdagan pang 500,000 doses ng Coronavac vaccine na Sinovac na binili ng Gobyerno.
Ang mga bakuna ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport kaninang alas-7:35 ng umaga sakay ng Cebu Pacific commercial flight.
Dahil dito, umaabot na sa 5.5 million ang mga Sinovac vaccine na dumating sa bansa.
Matatandaang nitong nakalipas na Pebrero 28 at Marso 24 ay dumating sa bansa ang mga Sinovac vaccine na donasyon ng Chinese Government habang ang iba ay binili na ng pamahalaan.
Sinalubong nina Health Secretary Francisco Duque at Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs Undersecretary Robert Borje ang pagdating ng mga bakuna.
Umapila naman si Duque sa publiko na huwag nang mamili ng brand ng bakuna dahil lahat ng mga bakuna ay dumaan sa malawakan at malakihang pagsusuri at tiyak na ligtas at epektibo.
Sa ngayon , umaabot na sa 8.2 million doses ng ng Covid-19 vaccine ang nasa bansa kasama na dito ang 5.5 milyong doses ng Sinovac, 2,556,000 doses ng Astrazeneca, 30,000 doses ng Sputnik V ng Russia at 193,050 ng Pfizer.