Kaso ng Delta variant sa bansa, umakyat pa sa 64; Kaso ng iba pang Covid-19 variants sa bansa, nadagdagan pa
Iniulat ng Department of Health na may 17 pang bagong kaso ng Delta variant ang natukoy sa bansa.
Ayon sa DOH, ang 12 rito ay local cases, 1 ang Returning Overseas Filipino habang bineberipika pa ang 4.
Sa 12 local cases, 9 ang mula sa National Capital Region at 3 naman ang sa CALABARZON.
Ang 3 sa mga ito ay aktibong kaso habang ang 14 ay nakarekober na.
Ayon sa DOH, sa ngayon, 64 na sa kabuuan ang bilang ng Delta variant cases na naitala sa bansa.
Samantala, may 11 bagong kaso ng Alpha variant din ang natukoy sa bansa.
Ang 10 rito ay local cases at ang 1 naman ay bineberipika pa.
Isa lang rito ang aktibong kaso, nakarekober naman na ang 3 habang nasawi naman ang 7.
May 13 bagong kaso ng Beta variant rin ang natukoy ng DOH, ang 10 rito ay local cases habang bineberipika pa ang 3.
Ang 1 rito ay aktibong kaso pa, ang 10 ay nakarekober na habang nasawi naman ang 2.
Sa kabuuan, may 1,840 Beta variant cases na ang naitala sa bansa.
May 2 namang P.3 variant cases na natukoy rin sa bansa.
Ang 1 rito ay local case habang bineberipika naman ang isa pa na kapwa naman nakarekober na sa sakit.
Samantala, sinabi ng DOH na isasailalim rin nila sa genome sequencing ang swab sample mula sa mga seafarer ng MT Clyde at Barge na Claudia.
Ang MT Clyde at Barge na may lamang steam coal ay bumiyahe mula sa Indonesia patungong Butuan City kung saan sila isinailalim sa RT PCR test at pagkatapos ay bumiyahe patungong Albay.
Matatandaang 12 crew nito ang nagpositibo sa Covid 19.
Madz Moratillo