Kaso ng Covid Indian variant sa bansa, umakyat na sa 12
Umakyat na sa 12 ang naitalang kaso ng Indian variant sa bansa.
Ito ay matapos may 10 bagong kaso ng Indian variant ang natukoy ng Department of Health.
Ayon sa DOH, batay na rin ito sa sequencing na ginawa sa samples mula sa mga crew ng MV Athens Bridge, iba pang returning overseas Filipinos at iba pang nagpositibo sa COVID 19 sa bansa.
Sa datos ng DOH, sa 10 na ito, ang isa ay seaman na galing sa Belgium at ang 9 ay crew ng MV Athens.
Ang nasabing seafarer ay dumaong umano sa Belgium at lumipad pabalik ng Pilipinas via United Arab Emirates.
Dumating ito sa bansa noong Abril 24.
Nakakumpleto siya ng isolation period noong May 13, 2021.
Ang 9 na iba pa ay kasama sa 12 Pinoy crew ng MV Athens na positibo sa virus.
Ang 4 ay naka-admit sa ospital sa Maynila at nasa stable na kondisyon habang ang 5 iba pa ay nasa isolation facility.
Nilinaw naman ng DOH na hindi naisailalim sa sequencing ang sample ng 3 iba pang crew na positibo rin sa virus dahil sa mababa ang kanilang viral load.
Samantala, nilinaw naman ng DOH na ang close contacts ng 2 naunang nagpositibo sa Indian variant ay nakatapos na ng 14 day quarantine at nadischarge na sa quarantine facilities.
Sa 3 naiulat na close contact ng isa rito na nagpositibo sa COVID 19 ay isa lang ang naisailalim sa sequencing at wala namang nakitang variant of concern.
Samantala, may 13 bagong UK variant, 7 South African variant, at 1 Philippine variant na naitala sa bansa.
Madz Moratillo