Kaso ng leptospirosis sa bansa umabot na sa mahigit dalawang libo
Umabot na sa 2,064 ang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Ito ay mula lamang noong Enero 1 hanggang Setyembre 10 ng taong ito.
Ayon sa Department of Health, mas mataas ito ng 52% kaysa 1,355 na naitala sa kaparehong petsa noong 2021.
Mayorya ng mga kaso ay naitala sa National Capital Region na may 443 cases,
Western Visayas na may 243 cases at Cagayan Valley na may 230 cases.
Kung pagbabatayan naman ang datos nitong mga nakalipas na linggo o mula Agosto 14 hanggang Setyembre 10, may 425 leptospirosis cases ang naitala kung saan nanguna pa rin ang NCR, Western Visayas at Ilocos Region.
Sa monitoring ng DOH, ang mga rehiyon ng Cagayan Valley, Bicol region, Western at Central Visayas, Davao region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region at Caraga ay lumagpas na sa alert at epidemic threshold sa nakalipas na 4 na linggo.
Sa kabila nito, wala pa namang naiulat na clustering ng mga kaso.
Umabot naman na sa 297 ang nasawi dahil sa leptospirosis kung saan pinakamarami sa mga nasawi ay naitala noong Agosto na umabot sa 73 sinundan naman ng Hulyo na nasa 56.
Madelyn Villar Moratillo