Kaso ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan, mas dumarami – POPCOM
Nangangailangan ng tamang atensyon mula sa mga magulang, mga guro at maging ng simbahan ang mga kabataan sa panahon ngayon para maiwasan ang maagang pagbubuntis.
Sa panayam ng Agila Balita sinabi ni Dr. Juan Antonio Perez III, Executive Director ng POPCOM, sa panahon ngayon ay kailangang magtulungan para maiwasan ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kabataang nagiging ina sa murang edad dahil sa namumulat ang mga ito sa premarital sex.
Aniya nakakabahala ang lumabas sa kanilang pag-aaral sa mga millenials, na isa sa bawat tatlong kabataang edad 15-19 ay nakaranas ng premarital sex bago pa man sila sumapit sa edad 20 kaya marami ang nauuwi sa maagang pagbubuntis.
Dagdag pa ni Perez, bawat taon 209 libo o mahigit 10% ng mga nanganganak na mga kabataan ay mababa sa 20 taong gulang.
Kaya naman muling pinaalalahanan ni Perez ang mga magulang na sa edad kinse pa lamang ay dapat payuhan at gabayan na ang kanilang mga anak para hindi mahulog sa maagang pagbubuntis.