Kaso vs mga anak ni Cong. Teves, ipinababasura din sa DOJ
Sa halip na kontra-salaysay ay motion to dismiss din ang inihain ng mga anak ni suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. na sina Kurt Matthew at Axel sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay para sa mga reklamong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives.
Ayon kay Atty. Manuel Andres Jr., legal counsel nina Kurt Matthew at Axel, ipinababasura nila ang mga reklamo dahil sa kawalan ng sapat na batayan.
Sinabi ni Andres na ang mga punto nila sa kanilang mosyon ay batay sa mga umiiral na batas at mga desisyon ng mga korte.
Pinagbasehan din aniya nila ang mismong reklamo na isinampa ng PNP- CIDG.
Bukod din aniya sa legalidad ng search sa bahay ng mga Teves, kinuwestiyon din ng mga respondent ang “legality of accusation” laban sa mga ito.
Umaasa ang abogado na pag-aaralang mabuti ng DOJ prosecutors ang kanilang mga argumento at ipawalang-bisa ang reklamo laban sa dalawa.
No show naman sa pagdinig sa DOJ sina Kurt Matthew at Axel.
Tumanggi rin ang abogado na sagutin kung nasaan ang dalawang anak ni Teves.
Moira Encina