Kasong cyberlibel vs Maria Ressa at Rappler reporter na inihain ng isang college professor, ibinasura ng Manila RTC
Hindi na interesadong ipursige ng isang college professor ng De La Salle-College of Saint Benilde ang isinampa nitong cyberlibel case laban kina Rappler CEO Maria Ressa at Rappler reporter Rambo Talabong.
Ayon sa abogado nina Ressa at Talabong na si Theodore Te, nagsumite ng affidavit of desistance ang complainant na si Arnel Pineda na pinanumpaan nito sa korte.
Kaugnay nito, inihayag ni Te na naglabas ng kautusan ang Manila Regional Trial Court Branch 24 na nagbabasura with prejudice sa kaso laban kina Ressa at Talabong.
Ayon kay Te, sinabi ni Pineda na ang pagsasampa nito ng kaso ay bunsod ng “misappreciation of facts” at hindi na ito interesado na isulong ang kaso laban kina Ressa at Talabong.
Ang kaso ay nag-ugat sa artikulong inilathala ng Rappler at isinulat ni Talabong noong Enero 23, 2020 kaugnay sa sinasabing thesis for sale.
Sa report ni Talabong, sinabi na ipinasa ni Pineda na thesis coordinator sa thesis subject ang mga estudyante sa Export Management Program ng CSB kapalit ng pagbayad ng Php 20,000.
Moira Encina