Kasong Kidnapping laban kay dating Senador Antonio Trillanes, tinawag na harassment
Tinawag na harassment ni dating Senador Antonio Trillanes ang kasong Serious Illegal Detention na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ).
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng isang Guillermina Barrido matapos umano siyang ikulong ni Trillanes at mga kasamahan nito para tumestigo laban kay Pangulong Duterte sa isyu ng iligal na droga.
Ayon kay Trillanes, hindi niya pa kailanman nakita si Guillerma Barrido o iba pang nag-aakusa sa kanya .
Kung pagbabatayan aniya ang alegasyon ni Barrido, 2016 pa umano ito dinukot pero kataka-takang ngayon lang nagsampa ng reklamo.
Sinabi ni Trillanes na imposible rin ang sinasabi nito na mga pari at madre ang umanoy kasama nya na dumukot at sa kumbento pa ikinulong.
Sa impormasyon ni Trillanes, si Barrido ay nag-aplay sa oposisyon at nagboluntaryong magtestigo laban umano kay Duterte at nanghihingi ng pera kapalit ng kaniyang salaysay.
Pero bumaligtad aniya ito dahil hindi naibigay ang hinihingi nitong pera.
Ulat ni Meanne Corvera