Kasong murder laban sa mga utak sa Percy Lapid killing, posibleng isampa sa Biyernes
Nagtungo sa DOJ noong Miyerkules ng umaga si Roy Mabasa ang kapatid ng pinaslang na brodkaster na si Percy Lapid kung saan nakipagpulong ito kay Justice Secretary Crispin Remulla at sa NBI ukol sa itinatakbo sa imbestigasyon sa kaso.
Sinabi ni Mabasa na posibleng sa Biyernes o kaya naman ay sa Lunes ay maihain na ang pormal na reklamo ng murder laban sa mga utak ng krimen.
Ipinaubaya ni Mabasa sa mga otoridad ang pagtukoy sa mga mastermind sa pagpatay sa kaniyang kapatid.
Ayon kay Mabasa, malaki ang naitulong sa itinatakbo ng kaso ang re-autopsy sa bangkay ng itinuturong middleman na si Jun Villamor.
Batay sa second autopsy results, lumalabas na homicide o pinatay si Villamor o sa pamamagitan ng suffocation.
Kinumpirma naman ni Mabasa na bibigyan ng seguridad ng DOJ ang pamilya ng mamamahayag dahil sa patuloy na natatanggap nila na death threats.
Moira Encina