Katawan ng nawawalang aktor na si Julian Sands, nakilala na ng US police
Sinabi ng California police na nakilala na ang katawan ng nawawalang British actor na si Julian Sands, matapos madiskubre ng mga hiker ang labi nito sa bundok na malapit sa Los Angeles.
Si Sands, na sumikat noong 1985 para sa ginampanang papel sa pelikulang “A Room with a View,” ay nawala noong Enero sa 10,000-talampakang (3,000-metrong) Mount San Antonio, na kilala sa tawag na Mount Baldy.
Inalerto ng mga hiker ang mga kinauukulan makaraan nilang makakita ng “human remains,” na agad namang nirespondehan at ang labi ay dinala ng mga awtoridad sa local coroner’s office.
Ayon sa San Bernanrdino Sheriff’s Department, nakumpleto na ang identification process para sa labi na natagpuan sa Mt. Baldy at positibo iyong na-identify na siya nga ang 65-anyos na si Julian Sands ng North Hollywood.
Gayunman, ayon sa Sherrif’s office, ang paraan ng pagkamatay ng aktor ay iimbestigahan pa, habang hindi pa lumalabas ang resulta ng mga pagsusuri. Wala nang iba pang detalyeng ibinigay.
Si Sands ay isang bihasang hiker, at inilarawan niya ang kaniyang sarili na pinakamaligaya noong malapit na siya sa summit.
Ang lugar kung saan nawala si Sands ay ang pinakamataas na tuktok sa San Gabriel Mountains at isang sikat na destinasyon para sa mga residente ng Los Angeles.
Sinabi ng San Bernardino County Sheriff nang mga panahong iyon, “It was increasingly treacherous, with eight known deaths between 2017 and 2022.”
Ang California ay tinamaan ng sunud-sunod na malalakas na bagyo noong Disyembre at Enero na nagdala ng makapal na niyebe sa mga bulubundukin, kabilang ang Mount San Antonio.
Dalawang linggo makaraang magsimula ang paghahanap kay Sands, ay sinabi ng kapatid nitong si Nick na tinanggap na niyang hindi na ito matatagpuang buhay pa.
Aniya, “He has not yet been declared missing, presumed dead, but I know in my heart that he has gone.”