Kauna-unahang digitalized at localized Bar Exams, umarangkada na
Natuloy na rin sa wakas ang 2020/2021 Bar Examinations ngayong araw matapos na ipagpaliban ng ilang beses bunsod ng pandemya at nagdaang bagyo.
Ito ang kauna-unahang localized at digitalized bar exams sa bansa.
Isinasagawa ang pagsusulit sa 31 local testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang UST, Far Eastern University, at De La Salle University sa Maynila, at Mindanao State University sa General Santos at Iligan City Campus.
Sa unang pagkakataon din sa halip na apat na araw ng Linggo ang pagsasagawa ng bar exams ito ay iniklian na lamang sa dalawang araw bunsod ng naranasang surge ng kaso ng COVID.
Maging ang coverage ng bar exams na dating walong subjects ay pinagsama o merged na lamang sa apat na sets ng pagsusulit.
Ngayong Biyernes, Pebrero 4 ang unang araw ng pagsusulit at ang ikalawang araw ay sa Linggo, Pebrero 6.
Sinimulan ang morning exam ng 8:00 ng umaga at nagtapos ng 12:00 ng tanghali habang ang afternoon exam ay mag-uumpisa ng 1:50 ng hapon hanggang 5:50 ng hapon.
Kabuuang 11,790 aspiring lawyers ang inaprubahan ang bar exam applications na pinakamalaki sa kasaysayan.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice at Bar Chair Marvic Leonen, mula sa nasabing bilang ay 11,378 examinees ang nakakuha ng pagsusulit sa unang araw o 96.5% turnout.
Ang pinakamaagang examinee na nakatapos sa morning exam ay natapos ng 8:58 ng umaga.
Moira Encina