Kauna-unahang video game music Grammy, napanalunan ng composer ng “Assassin’s Creed”
Napanalunan ng composer ng “Assassin’s Creed” na si Stephanie Economou, ang kauna-unahang Grammy na nagpaparangal sa video game scores sa ginanap na gala sa Los Angeles.
Ilang taon nang hinihiling ng mga nasa industriya, na magkaroon ng award para parangalan ang mga nasa likod ng video game soundtracks, isang pagkilala sa malaking impact ng gaming at ng musika nito sa pop culture.
Sa kaniyang acceptance speech, pinuri ni Economou na siyang nag-compose ng musika para sa “Assassin’s Creed Valhalla: Dawn Of Ragnarok,” ang mga humikayat sa Recording Academy na sa wakas ay magkaroon na ng nasabing kategorya.
Aniya, “I feel incredible. I did not have high hopes for this category because… I am generally very green in the video game music space and up against such giants and veterans.’
Para sa inaugural award, ang iba pang nominees ay ang mga composer sa likod ng “Aliens: Fireteam Elite,” “Call Of Duty: Vanguard,” “Marvel’s Guardians Of The Galaxy” at “Old World.”
Binanggit ni Economou na siya lamang ang babaeng nominado sa kategorya at sinabing, “I hope it sets precedent and I hope it’s not just one woman in the category each year from here on out.”
Bago ang 2023, kasama ang video games sa Score Soundtrack for Visual Media category, na nagtatampok din sa musika para sa pelikula at telebisyon.
Ang global gaming industry ay maaaring umabot sa halos $200 bilyon noong 2022, ayon sa isang projection mula sa Global Games Market Report, at lumitaw sa isang kamakailang survey ng Deloitte na kinuha sa buong Estados Unidos, Britain, Germany, Brazil at Japan na ang mga video game ang nangungunang source ng entertainment para sa Gen Z.
Maraming kabataang gamer ang nagsasabi na ang musika ay mahalagang bahagi ng karanasan, na may 1/3 ng mga respondent na nagsasabing hinahanap nila ang game music sa online pagkatapos, at 29 na porsiyento ang nagsasabing madalas silang nakatutuklas ng bagong musika habang naglalaro.
Ayon kay Economou, “A lot of them cannot separate the music from a game — and that’s a really exciting opportunity for any composer coming in. The new category is an important step for people to recognize that video games have been in the zeitgeist for so long now.”
© Agence France-Presse