Kawalan ng decorum sa Senado, pinuna ng mga dating senador
Sinisita ng ilang dating lider ng Senado ang unti-unti umanong pagbagsak ng reputasyon at nasisirang imahe ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ito’y sa harap ng sinasabing kawalan ng tamang decorum ng ilang senador sa mismong mga committee proceedings at plenary debates.
Kabilang sa tinukoy ang pagsusuklay ng bigote ni Senador Robin Padilla sa isang hearing, pagluhod ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at pagmumura ni Senador Jinggoy Estrada sa pagdinig sa isyu ng illegal drugs.
Sa plenary session bago mag-break ang Senado, natigil din si Senador Sonny Angara sa pagtalakay sa isang panukala dahil sa ingay ng mga kapwa mamababatas.
“I remember she gave a manifestation about needing to respect colleagues when they’re speaking, remember that?… I’m trying to collect my thoughts. Try to remember what they, what I was speaking about,” pahayag ni Sen. Angara.
Kaya si Senate President Pro Tempore Loren Legarda, sinermunan na ang mga kapwa mambabatas.
“Even decorum perhaps, even if we start with ourselves, even decorum in our chambers, in a way we speak, in what we do, and even doing business…ang hirap, hirap po, hindi ko na himayin na iisa isahin,” pahayag ni Legarda.
Si dela Rosa aminadong guilty dahil madalas nagagalit sa mga pagdinig.
Inamin nya rin na isa sya sa mga malakas tumawa sa session hall at humingi na ng paumanhin sa publiko.
“Guilty rin ako minsan. Meron din akong, overboard din ako minsan sa committee hearings. Meron akong misgivings. Nakalimutan ko minsan senador na ako. Akala ko pulis pa rin ako. Nake-carried away ako sa emosyon ko. I’m sorry for that kung nasisira ang imahe ng Senado sa ganung ginagawa ko. I’m sorry for that. I’m ready to make amends,” paliwanag ni dela Rosa.
Sabi ni dela Rosa, style nya ito bilang isang dating pulis pero handa naman raw makinig sa mga itinuturing na elders ng Senado.
Biro ni dela Rosa, tatakpan nya na ang bibig kapag may isyung nakakatawa para makontrol ang kaniyang sarili
Pero si Padilla wala raw babaguhin sa kanyang imahe.
Dito raw sya nakilala ng taumbayan at ito ang mga katangiang nagustuhan sa kanya kaya siya ibinoto ng milyun-milyong mga Pilipino.
“Ako sa akin pasensya na kayo… Kapag binago ko sarili ko baka malayo sila sa akin. Kanya-kanyang style po yan. Ako ay hinalal para mapalapit sa tao, di maging mukhang kagalang-galang,” pahayag ni Padilla.
Pagtiyak naman ni Deputy Majority Leader JV Ejercito, may ginagawa nang hakbang ang liderato ng Senado para ma-aadress ang isyu ng decorum.
Payo naman ni dating Senate President Vicente Sotto III, huwag personalin ang mga puna
Dapat rin aniyang makinig lalo na ang mga baguhang mambabatas at sumunod sa mga tradisyon na ipinaiiral sa senado.
“They should welcome such observations. Iyong mga criticisms and observations lalo na ng mga antigo ay dapat pinakikinggan. We have done that before. I heard all of it from Maceda, Angara, Tolentino na mga kasabay ko. So you learn from them, you learn from the old guys,” paliwanag pa ni Sotto.
Meanne Corvera