Kawani ng SC na nahuling gumagamit ng marijuana sa court premises, sinibak sa serbisyo
Pinatawan ng dismissal ng Korte Suprema ang isang empleyado nito na nahuling gumagamit ng marijuana sa loob ng court premises.
Sa desisyon ng Supreme Court, napatunayang guilty sa grave misconduct dahil sa marijuana use si Louie Mark U. De Guzman na Storekeeper I sa Property Division ng Office of Administrative Services (OAS).
Inamin naman ni De Guzman na gumagamit ito ng marijuana.
Nakumpirma rin sa isinagawang forensic analysis ng NBI ang presensya ng isang active component ng marijuana sa urine sample mula sa respondent.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinagutos din ng Korte Suprema na mapawalang-bisa ang lahat ng benepisyo ni De Guzman maliban sa accrued leave credits.
Diskwalipikado rin magpakailanman si De Guzman sa alinmang trabaho sa gobyerno.
Inirefer din ng SC ang kawani sa drug rehabilitation facility.
Batay sa serye ng confidential reports na natanggap ng SC OAS, si De Guzman ay nahuling gumagamit ng marijuana sa stockroom ng Property Division ng Old SC Building sa iba’t ibang pagkakataon.
Nabatid din sa pagtatanong sa mga opisyal at staff ng Property Division na makikita si De Guzman na madalas na tumatambay para magpalipas ng oras habang naka-duty at pumupunta sa stockroom kung saan ito naninigarilyo.
Napansin din ng ibang kawani ang kakaibang amoy mula sa stockroom na hindi tulad ng karaniwang sigarilyo.
Moira Encina