Kazuo Okada humingi sa DOJ ng dagdag na panahon para sagutin ang mga reklamo
Bigo pa ang kampo ng Japanese business tycoon na si Kazuo Okada na makapaghain ng kontra-salaysay sa DOJ sa mga reklamong isinampa sa kaniya kaugnay sa sinasabing iligal at marahas na takeover nito sa Okada Manila.
Ayon kay Atty.Norman Golez, legal counsel ng Okada Manila, humingi sila ng dagdag na panahon sa DOJ panel of prosecutors para sagutin ang mga paratang laban sa negosyante.
Sinabi ni Golez na binigyan sila ng 10 araw ng DOJ para maisumite ang counter-affidavit ni Okada sa mga reklamo laban dito.
Si Okada at ilan pang respondents kabilang na ang Pinoy business partner nito na si Tonyboy Cojuangco ay inireklamo ng kidnapping and serious illegal detention, grave coercion, at unjust vexation ni Hajime Tokuda at ng iba pang opisyal ng Tiger Resorts and Leisure Entertainment Inc.
Ang pag-take over nina Okada at Cojuangco ay kasunod ng pagiisyu ng Supreme Court Second Division ng Status Quo Ante Order na nagri-reinstate muli kay Kazuo Okada bilang chair ng Tiger Resorts.
Pinabulaanan naman ni Atty. Golez na iligal at marahas ang takeover sa halip naging mapayapa ang turnover batay na rin sa video na nagpapakita rito at sa pagsisilbi sa Status Quo Ante Order na inisyu ng SC.
Napilitan lang aniya na gumawa ng hakbang ang kampo ni Okada nang iligal na pumasok muli sa hotel premises ang grupo ni Tokuda at magtangkang magprotesta para lumikha ng kaguluhan at kalitunan sa lugar.
Moira Encina