Kilusang Magbubukid ng Pilipinas minaliit ang planong imbestigasyon ng Kamara sa malawakang pagbaha sa Cagayan Valley
Tinawag na band aid solution ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang gagawing imbestigasyong ng Kamara kaugnay sa nangyaring malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela.
Binigyang diin ni KMP President Danilo Ramos, kung nais ng mga mambabatas na masolusyunan ang problema at hindi na ito maulit dapat ay kumprehensibong investigation in aid of legislation ang dapat nitong gawin.
Dismayado ang KMP na tanging ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sakop ng gagawing imbestigasyon at hindi kasama ang illegal logging at illegal mining operations roon.
Una rito naghain ng resolusyon sina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano para imbestigahan ang nangyaring malawakang pagbaha sa pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinasawi na ng 67 katao at 20 pa ang nawawala habang bilyong piso ng ari arian at imprastraktura ang nasira.
Giit ng KMP ang pagpapatigil sa mining operations at pagsasampa ng kaso sa mga ito ang dapat na resolbahin at imbestigahan ng Kamara.
Nanindigan din si Bayan Muna Rep Eufemia Cullamat na ang tuluyang pagpapasara ng mga mapanirang large scale mining operations at pagpapahinto sa kontruksyon ng Kaliwa Dam ang syang dapat na naging aksyon ng pamahalaan sa nangyaring pagbaha at hindi sapat ang imbestigasyon lamang na sa bandang huli ay maaaring wala ding mangyari.
Malinaw naman aniya na illegal logging at mining ang sanhi ng naranasang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela na nangangailangan ng agaran at matapang aksyon ng gobyerno.
Kung hindi aniya ito mapipigil ay mas marami pang trahedya ang maaaring dumating sa bansa.
Madz Moratillo