Kingdom of Bahrain magtatayo ng Embahada sa Pilipinas
Tinalakay ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Ministry of Foreign Affairs ng Kingdom of Bahrain ang pagtatayo ng Embahada ng Bahrain sa bansa.
Ayon sa DFA, bumisita sa bansa si Dr. Mohamed Ali Bahzad, Undersecretary for Consular and Administrative Affairs ng Bahrain kasama ang iba pang delegasyon para talakayin ang mga paghahanda para sa pagtatag ng Embassy of the Kingdom of Bahrain sa Pilipinas.
Target na maisakatuparan ang proyekto ngayong taon kasabay ng ika-45 anibersaryo ng diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Bahrain.
Sa ngayon ang may hurisdiksyon sa Pilipinas ay ang Embahada ng Bahrain na nasa Bangkok, Thailand.
Kabilang sa mga tinalakay ng Bahraini delegation sa DFA officials ang requirements, procedures at iba pa na mga usapin ukol sa pag-set-up ng diplomatic mission sa bansa.
Nakipagpulong din ang Bahraini officials sa Foreign Service Institute (FSI) ukol sa posibleng kolaborasyon sa training programs sa parehong Pilipino at Bahraini diplomats.
Moira Encina