Kompanya sa Turkey nagregalo ng drones sa Ukraine
Tatlo sa kanilang drones ang ini-alok ng Turkish drone-manufacturer na Baykar, na ang isa sa mga director ay manugang na lalaki ni President Recep Tayyip Erdogan, sa Ukrainian army.
Sa pahayag na ipinost sa Twitter, binanggit ng kompanya na nakatipon ng sapat na pondo ang isang crowdfunding campaign para bilhin ang ilan sa kanilang TB2 UAVs para magamit ng Ukrainians sa pagtatanggol sa kanilang bansa.
Dagdag pa nito . . . “Baykar will not accept payment for the TB2s, and will send 3 UAVs free of charge to the Ukrainian war front. We ask that raised funds be remitted instead to the struggling people of Ukraine.”
Ang Turkey ay hindi nag-anunsiyo ng anomang military aide sa Ukraine, subali’t ang nasabing delivery ay hindi mangyayari kung walang endorsement ni Erdogan.
Dati nang sinabi ng Ukraine na ang Turkish drones nila na ginamit sa pagsisimula ng giyera ay napatunayan nilang sulit laban sa Russian forces.
Isa sa mga direktor ng Baykar ay si Selcuk Bayraktar, asawa ng bunsong anak ni Erdogan. Ang isa pang direktor ng kompanya ay si Haluk na kapatid ni Bayraktar.
Ang anunsiyo ay ginawa habang tinututulan ng Turkey na isang NATO member, ang pagnanais ng Finland at Sweden na maging kasapi rin nito na ang sinasabing dahilan ay ang kahandaan ng dalawang bansa na maging “safe haven” ng Kurdish militants, na ang dekada nang tagal na mga insurhensiya laban sa Turkish state ay ikinasawi na ng libo-libong katao.
Bagama’t kinokondena ng Turkey ang pananakop ng Russia sa Ukraine, sinusubukan din nito na maging mediator sa pagitan ng magkabilang panig, at hindi lumagda para sa sanctions na ipinataw ng United States at European Union sa Moscow.
Sa pagsisimula ng Hunyo, ang Baykar ay nag-alok sa Lithuania ng isang libreng combat drone upang ang pondong nakalap ng Lithuanians para ipambili ng isa para sa Ukrainian forces, ay sa humanitarian aid na lamang gamitin.
Ayon sa Ukraine, mayroon silang humigit-kumulang 20 TB2 drones sa pagsisimula ng giyera.
Sinabi ng ilang mga eksperto, na ang Ukraine ay nakatatanggap pa rin ng deliveries ng Turkish combat drones, bagay na hindi naman kinumpirma ng Ankara.
© Agence France-Presse