Koneksyon ni VP Leni Robredo sa “Bikoy” videos, pinaiimbestigahan sa NBI
Hinikayat ni Labor Undersecretary Jacinto Paras ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan si Vice-President Leni Robredo kaugnay ng Bikoy video na yumuyurak sa Pangulo at pamilya nito sa pamamagitan ng pagsasangkot sa kanila sa iligal na droga.
Ito ay matapos lumabas ang ilang larawan ng inarestong umano’y uploader ng Bikoy video na si Rodel Jayme kasama si Robredo.
Ayon kay Paras, makabubuting lawakan ng NBI ang kanilang imbestigasyon para malaman kung may kaugnayan si Robredo.
Hindi rin isinaisantabi ng opisyal ang umano’y posibilidad na maging si Senador Antonio Trillanes ay nasa likod din ng Bikoy video.
Giit ng opisyal na seryoso ang nasabing isyu na maaaring gamitin ng mga kalaban ng Pangulo para siya ay patalsikin sa puwesto.
Aniya, lumabas siya para ipagtanggol ang Pangulo laban sa mga nagtatangkang patalsikin siya sa puwesto.
Ulat ni Eden Santos