Kongreso makikialam sa usapin ng planong pag phase out ng traditional jeepney sa bansa
Pinaiimbestigahan ni Albay Congressman Joey Salceda sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang iba’t ibang posibleng epekto ng plano ng gobyerno na phaseout ng traditional jeepney sa bansa.
Itoy matapos ihain ni Salceda ang House Resolution 801 na nag-aatas sa House Committee on Transportation na magdaos ng imbestigasyon in aid of legislation upang matalakay ang adverse socio-economic impact ng phaseout sa mga tradisyunal na jeepneys na nakasaad sa Memorandum Circular Number 2023-13 na unang inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Sinabi ni Salceda Chairman House Committee on Ways and Means ang phaseout ng traditional jeepney ay mistulang pagbalewala sa reyalidad na sa Pilipinas lalo na sa mga probinsya ang public utility jeepneys o PUJs ay nananatiling primary mode ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Salceda noong kasagsagan ng COVID -19 pandemic aabot sa 102 billion pesos ang nawalang revenues sa mga operators at drivers ng traditional jeepneys dahil sa serye ng mga lockdown na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabangon.
Inihayag ni Salceda sa phaseout ng traditional jeepneys tinatayang nasa 11.5 million na mga pasahero kada araw ang maaaring maaapektuhan at dahil dito gagamit sila ng ibang transportasyon gaya ng siksikang railway systems, limitadong Transport Network vehicle Service System o TNVS, at mga pribadong sasakyan kasama na ang motorsiklo.
Nagbabala si Salceda kung matutuloy ang phaseout ng traditonal jeepneys magreresulta ito sa lalo pang pagdami ng mga pribadong sasakyan na kalaunan ay magdudulot ng mas malalang road congestion o pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Vic Somintac