Kontrata ng Comelec at Miru, muling hiniling ng Korte Suprema na ipawalang-bisa

Naghain ng karagdagang petisyon sa Korte Suprema si dating Congressman Edgar Erice, para muling ipawalang-bisa at ipahinto ang implementasyon ng kontrata ng Commission on Elections (Comelec) at Korean firm na Miru Systems para sa 2025 elections.

Ang supplemental petition ay kasunod ng pag-atras ng local partner ng Miru na St. Timothy Construction.

Ayon sa petisyon, kung umatras ang isang partner sa joint venture gaya sa Miru joint venture ay iligal kung itutuloy pa ng Comelec ang pakikipagtransaksyon sa kumpanya.

Sinabi ni Erice, “Ayon sa ating civil code, sa isang partnership o joint venture, kapag nag-withdraw ang isang partner gaya ng withdrawal ng St. Timothy, hindi na puwedeng makipag-transacr ang isang kumpanya, ang puwede na lang gawin ay mag-wind up ng mga affair.”

Kabilang anila sa malalabag ay ang procurement law.

Iginiit pa sa petisyon na nabuwag na ang joint venture dahil ang St. Timothy ang nagkaloob ng karamihan ng pondo para sa kontrata.

Ayon kay Erice, “Sa withdrawal ng St. Timothy kasama sa withdrawal nito amg pagkawala ng Net Financial Contracting Capacity ng joint venture, sapagkat ang nagprovide ng financial contracting capacity ay ang St. Timothy.”

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Comelec Chair George Erwin Garcia, na handa nilang sagutin ang petisyon at tuluy-tuloy sila sa paghahanda sa eleksyon.

Naipabatid na rin aniya ng poll body sa kanilang manifestation sa Korte Suprema ang nasabing withdrawal ng local partner.

Paliwanag pa ni Garcia, may dalawa pang Filipino partners ang Miru na nagsumite ng Net Financial Contracting Capacity (NFCC).

Sinabi ni Garcia, “Nag-file na kami ng aming manifestation sa Supreme Court. Na-inform na namin kaagad ang Supreme Court sa nangyaring withdrawal ng St. Timothy. Sinabi lang namin na nag-submit na ang natitirang dalawang Filipino partners ng kanilang NFCC, at nagkakahalaga ito ng P20 bilyon more or less. Ni-review ng aming law department, inisa-isa lahat ‘yon, pati ‘yung compliance. Napatunayan ng aming law department na compliant ‘yung NFCC.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *