Kontrata ni Kerr sa Warriors, extended
Sumang-ayon ang Golden State coach na si Steve Kerr, sa isang two-year, $35 million contract extension sa Warriors.
Sa report ng ESPN, banggit ang mga agent ni Kerr na sina Rick Smith at Dan Eveloff ng Priority Sports, si Kerr na ang magiging highest-paid coach sa kasaysayan ng NBA dahil sa nabanggit na kontrata.
Magpapaso na ang kontrata ni Kerr sa pagtatapos ng season, ngunit sa ilalim ng bagong kasunduan, ay mananatili pa siya sa koponan para sa 2025-2026 campaign, kung saan makatatanggap siya ng $17.5 million sa bawat season.
Matatandaan na sa loob ng limang sunod-sunod na taon ay nakaabot ang Warriors sa NBA Finals (2015-2019) makaraang kunin ng koponan si Kerr noong May, 2014.
Nakuha naman ng Warriors ang kampeonato noong 2015, 2017 at 2018 at maging noong 2022.
Si Kerr ay nanalo rin ng limang championships noong siya ay isa pa lamang manlalaro, na ang tatlo rito ay noong nasa koponan pa siya ng Chicago Bulls at ang dalawa ay noong nasa San Antonio Spurs na siya, at noong Huwebes ay nakuha niya ang kaniyang ika-500 panalo bilang coach.
Siya Kerr ang national coach ng Team USA at siya ring magiging coach ng Estados Unidos para sa Paris Olympics ngayong taon.