Kontrata para pormal nang wakasan ang welga niratipikahan na ng Hollywood actors
Niratipikahan na ng nakararami sa mga aktor sa Hollywood ang isang kasunduan sa mga studio, na magbibigay daan para sa muling pagbangon ng industriya na huminto ang produksiyon sa loob ng isang buwang welga.
Ayon sa Screen Actors Guild, na mas kilala bilang SAG-AFTRA, 78 porsiyento ng mga miyembrong bumoto ay aprubado ang multiyear contract.
Sinabi ni union president Fran Drescher, “This is a golden age for SAG-AFTRA, and our union has never been more powerful. The deal includes more than $1 billion in new compensation and benefits, as well as protections for actors from the use of artificial intelligence by studios.”
Pinuri naman ng Alliance of Motion Picture and Television Producers (AMPTP), na kumakatawan sa Netflix Inc., Walt Disney at iba pang studios, ang ratipikasyon ng union contract.
Sa isang pahayag ay sinabi ng AMPTP, “With this vote, the industry and the jobs it supports will be able to return in full force.”
Ayon sa unyon, 38 porsiyento ng kanilang mga miyembro ang bumoto.
Ang tentative deal sa pagitan ng SAG-AFTRA at Hollywood studios upang tapusin na ang 118-araw nang welga ng mga aktor ay napagkasunduan noong isang buwan, at ang mga aktor ay bumalik na sa trabaho bago pa ang ratification vote.
Ang iminungkahing kontrata ay naglalaman ng mas mataas na suweldo, mas magandang bonus para sa mga naging bida ng isang palabas o pelikula na naging hit, at ang kauna-unahang mga proteksyon laban sa paggamit ng artificial intelligence (AI) upang palitan ang human actors.
Niratipikahan ito ng liderato ng unyon dalawang araw pagkatapos, bagama’t hindi “unanimous.”
Simula noon ay nagpatawag na ng mga pagpupulong ang unyon at nagpadala ng emails at social media posts sa mga miyembro, na humihimok sa kanila na aprubahan na ang deal.
Ayon sa SAG-AFTRA chief negotiator na si Duncan Crabtree-Ireland, “Today is the day. This is a big $1 billion deal with a lot of really important gains in areas like AI, minimums, streaming money. It’s a deal that I’m really proud of.”
Ang resulta ng boto ay hindi natiyak, at habang ang mga detalye ng kasunduan ay lumitaw sa mga nakaraang linggo, ang mga babala ay nagsimulang kumalat online tungkol sa mga kakulangan nito, lalo na sa isyu ng AI.
Nangamba ang mga performer na sa lalong madaling panahon ay maaari silang ganap nang mapalitan ng “synthetic actors” na binuo sa pamamagitan ng AI gamit ang mga bahagi ng katawan ng maraming iba’t ibang mga tao, na ang mga pagkakahawig ay kinuha mula sa mga archive ng pelikula.
Ang deal ay hindi pumipigil sa mga studio na gumamit ng generative AI, ngunit mayroong “clause” na nag-aatas sa kanila na ipagbigay-alam sa unyon sa tuwing gagamitin nila ang teknolohiya.
Magkakaroon naman ng karapatan ang SAG-AFTRA na makipagkasundo para sa kabayaran sa ngalan ng mga aktor na kasangkot — kahit na sinasabi ng mga kritiko na mahirap tukuyin kung sino sila.
Sinasabi rin ng mga aktor na masyadong mataas ang hinihinging napakalaking bilang ng mga manonood na kailangang maakit ng isang palabas o pelikula, upang mabigyan ng bonus ang mga gumanap rito.