Kontrata para sa bagong AES na gagamitin sa 2025, inaward na ng Comelec sa Miru
Ang mga makina na ng Korean firm na Miru Systems Company Limited ang gagamitin para sa 2025 midterm polls.
Ito ay matapos i-award ng Commission on Elections ang kontrata sa nasabing kumpanya.
Bundled ang proyektong ito na nagkakahalaga ng 17.9 bilyong piso mas mababa ito sa P18.9 billion na halaga ng kontratang inilaan ng Comelec.
Bukod sa mga makina, kasama rin dito ang ballot paper, ballot boxes, consolidated canvassing system, marking pen, at battery.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kuntento sila sa mga ipinakita ng Miru sa ginawang end to end demonstration.
Bilang tugon naman sa mga kumukwestyon sa kakayahan ng Miru ,tiniyak ng Comelec na sila mismo ay inimbestigahan ito.
Pagkatapos mai-award, isusunod ng Comelec ang pakikipag-negosasyon para sa ilang bahagi ng kontrata at kapag nagkasundo ay saka sisimulan ang produksyon ng mga makina.
6 na buwan ang target ng Comelec na matapos sana ang paggawa ng mga bagong makina.
Samantala, nagdeklara naman ng failure of bidding para sistemang gagamitin sa Overseas Absentee Voting.
Ito ay matapos ideklarang ineligible ang dalawang bidder na Indra Soluciones Technologias de la Information at We Are IT Philippines Incorporated.
Madelyn Villar – Moratillo