Kontrata para sa E-transmission service, target ng COMELEC na mai-award sa unang linggo ng Marso
Target ng Commission on Elections na sa unang linggo ng Marso, ay makapag-award na rin ng kontrata para sa electronic transmission service.
Ang mapipiling kumpanya ang magta-transmit ng resulta ng eleksyon mula sa mga automated counting machine, patungo sa server ng board of canvassers at iba pang stakeholder.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, para sa susunod na halalan ibinukod na nila ang kontrata para sa mga makina at transmission.
Nitong Huwebes ay sinimulan na ng Special Bids and Awards Committee ang bidding.
Mula sa 4 na kompanya na bumili ng bidding documents ay 2 lang ang tumuloy at nagsumite ng bid.
Ito ay ang Ebizolution Inc., at Ione Resources Inc.
Pagkatapos sumailalim sa masusing ebalwasyon ng technical working group, ay idineklara sila pareho bilang eligible to bid.
Pero matapos buksan ang kanilang financial documents, ang Ione Resources ang nanalo dahil mas mababa ang bid nila na nagkakahalaga lang ng 1.4 bilyong piso kumpara sa 1.6 bilyon na offer ng Ebizolution.
Ang 1.6 bilyong piso ang kontrata na inaprubahan ng Comelec para sa electronic transmission.
Kahit naman idineklarang lowest bidder, isasailalim pa sa post qualification ang Ione at kapag nakalusot sila rito ay saka lang nila makukuha ang kontrata.
Madelyn Moratillo