Koreanong wanted sa multi-milyong dolyar na telephone fraud scheme, arestado ng Bureau of Immigration sa Maynila
Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration o BI ang isang Koreanong pugante na wanted ng mga otoridad dahil sa multi-milyong dolyar na telephone fraud scheme sa South Korea.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip ng BI-Fugitive Search unit si Jung Hyojin, 35-anyos sa Malate, Maynila.
Overstaying at undocumented alien aniya si Jung dahil sa kinansela ng Korean government ang pasaporte nito.
Nasa red notice ing interpol si Jung at may tatlong warrant of arrest na inisyu laban dito ang Seoul central district court dahil sa kasong pag-o-organisa ng fraud syndicate na may 10 taong pagkakakulong.
Sinabi ni BI Intelligence officer at FSU Chief Bobby Raquepo, pinamunuan ni Jung ang isang sindikato sa South Korea mula 2013 hanggang 2015 kung saan nakakulimbat ito ng 8 milyong dolyar sa mga nabiktima nila.
Nag-operate anya ng Call center ang grupo ni Jung kung saan tinatawagan ng mga ito ang kanilang biktima at pipiliting magbigay sa kanila ng salapi matapos i-harass at i-intimidate ng ibang callers na nagpanggap na mga pulis.
Batay sa BI database, dumating si Jung sa Pilipinas noong February 23, 2015 at hindi na umalis simula noon.
Ulat ni Moira Encina