Korte Suprema, binalaan ang mga manggugulo sa oath-taking ng mga bagong abogado

Nagbabala ang Korte Suprema laban sa mga manggugulo sa isasagawang oath -taking ng mga bagong abogado sa PICC sa Biyernes, Hunyo 1.

Ayon kay 2017 Bar Examinations Committee chairperson Justice Lucas Bersamin, papatawan ng direct contempt ng Supreme Court ang mga 2017 bar passers at mga dadalo sa oath-taking na hindi susunod sa proper decorum ng pagtitipon.

Anoman aniyang akto na makakaapekto sa seguridad at kaayusan ng seremonya ay hindi palalagpasin ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ni Bersamin na ang Oath-Taking Ceremonies ay opisyal na gampanin ng Korte Suprema na itinatakda ng Saligang Batas at isang special en banc session ng Hukuman.

Kaugnay nito, nagtalaga ang Kataas-taasang Hukuman ng mga SC Security officials at personnel para matiyak ang ligtas at maayos na panunumpa ng mga bagong abogado.

Matatandaan na umani ng batikos ang Supreme Court mula sa iba-ibang sektor kabilang na ang ilang grupo ng mga abogado at law students matapos patalsikin si Atty Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado.

Pinaalalahan din ni Bar Confidant Atty. Cristina  Layusa ang mga bar passers na dumating ng alas-dose ng tanghali o mas maaga sa PICC para sa registration.

Magsisimula rin anya ng alas dos ng hapon ang oath-taking.

Sa ilalim ng panuntunan ng SC, ang sinomang mahuhuli at mabibigong magparehistro ay hindi papayagan na makapanumpa at kinakailangan maghain ng petisyon para makapanumpa sa ibang petsa.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *