Korte Suprema hinimok na aksyunan ang mga pag-atake at red-tagging sa mga militanteng grupo
Dumulog sa Korte Suprema ang ilang aktibista kaugnay sa sinasabing red-tagging at terrorist-labelling sa mga militante at progresibong organisasyon.
Ito ay sa pamamagitan ng sulat na inihain ng mga grupong BAYAN, Kilusang Mayo Uno, Alliance of Concerned Teachers, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ibat-ibang militanteng grupo at mga kamag-anak ng sinasabing biktima ng extra-judicial killings at kuwestiyonableng search warrants at mga kaso.
Sa kanilang liham kay Chief Justice Alexander Gesmundo, hiniling ng mga grupo na maglatag ng “judicial safeguards” ang SC para maprotektahan ang mga tao gaya nilang aktibista laban sa mga pag-abuso sa batas.
Kaugnay nito, inisa-isa ng mga ito sa kanilang sulat sa Korte Suprema ang ilan sa kanilang panukalang safeguards para maiwasan ang pag-abuso at weaponization ng mga otoridad sa batas.
Isa na rito ang pagpapalakas sa writs of amparo at habeas data bunsod na rin ng umano’y red-tagging at terrorist-labelling laban sa mga aktibista, mamamahayag, at iba pang sektor.
Naniniwala ang mga militante na ang red-tagging ay nauuwi sa direct injury o kamatayan, at maaari itong mapigilan ng hukuman.
Isinisi ng mga militante sa pinatinding kampanya ng gobyerno laban sa mga komunista at terorista ang lumalalang human rights violations laban sa mga aktibista.
Kasamang isinumite rin ng mga grupo sa SC ang case summaries ng mga sinasabing nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Duterte government.
Ang ilan sa mga signatories sa sulat ay kasama sa mga organisasyon na tinukoy ni CPP founder Jose Maria Sison sa video nito na ipinakita ni National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon Jr. sa mga mahistrado ng Korte Suprema sa oral arguments sa Anti- Terror law petitions.
Moira Encina