Korte Suprema ibinasura ang mga petisyon laban sa Covid issuances ng IATF at iba pang ahensya ng gobyerno
Unanimous ang boto ng mga mahistrado ng Korte Suprema na ibasura ang lahat ng mga petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng lahat ng mga regulasyon na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan kaugnay sa COVID -19 pandemic.
Sa resolusyon ng Supreme Court En Banc, sinabi na hindi nasunod ng mga petisyon ang hierarchy of courts kaya ito ibinasura.
Ayon sa Korte Suprema, ang mga isyu na tinukoy sa mga petisyon ay kinakailangan ng determinasyon at adjudication ng “extremely technical and scientific facts” na nangangailangan ng full-blown na pagdinig ng mababang hukuman.
Isa sa mga resolusyon na kinuwestiyon ng petitioners ang IATF Resolution No. 148-B na na nagoobliga sa lahat ng pampubliko at pribadong establisiyimento na obligahin ang on-site employees na magpabakuna laban sa Covid kung hindi ay magpa- RT-PCR testing ang mga ito kada dalawang linggo at sariling gastos ng empleyado.
Kabilang din sa mga kinuwestiyon ang legalidad ng ilang panuntunan na inisyu ng DOH, DOTr, MMDA, LTFRB, DepEd, at Makati City LGU.
Iginiit ng petitioners na nalabag ng Covid issuances ang kanilang right to life and liberty, right to travel at discriminatory laban sa mga unvaccinated.
Moira Encina