Korte Suprema ibinasura ang mosyon ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa na muling mai-raffle ang electoral protest case ni dating Senador Bongbong Marcos
Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa na muling mairaffle ang electoral protest case ni dating Senador Bongbong Marcos at huwag na siya ang maging ponente ng kaso.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, unanimous ang botohan ng mga mahistrado na huwag pagbigyan ang nais ni Caguioa.
Sa isang internal memorandum na ipinadala ni Caguioa sa mga mahistrado ng Supreme Court, sinabi nito na nais niyang huwag nang maging member-in-charge ng poll protest para maiwasan ang ispekulasyon sa anomang magiging pasya dito.
Pero kahit hindi na siya ang ponente ay gusto pa ring makalahok ni Caguioa sa deliberasyon at botohan ng Supreme Court bilang Presidential Electoral Tribunal sa Marcos protest.
Si Caguioa ay appointee ni dating Pangulong Aquino at kaklase nito mula elementarya hanggang hayskul.
Ang memorandum ni Caguioa ay isinumite bago pa man ihain ng kampo ni Marcos ang mosyon nito na maginhibit ang mahistrado dahil sa bukod sa pagiging malapit kay Aquino ay ang misis nito na si Gel Caguioa ay supporter ni Vice President Leni Robredo.
Ulat ni Moira Encina