Korte Suprema ipinauubaya sa DOJ ang pagtalakay sa Indonesia ukol sa out-of-court testimony ng Pinay na si Mary Jane Veloso
Hindi inaksyunan ng Korte Suprema ang inihaing mosyon ng Office of the Solicitor General kaugnay sa mga panuntunan sa pagkuha ng deposition o out-of-court testimony sa Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Ang deposition ni Veloso ay laban sa mga itinuturong illegal recruiters nito na sina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio na nahaharap sa mga kasong human trafficking at estafa.
Sa ruling ng Supreme Court Special Third Division, sinabi na ipinauubaya nito sa DOJ at iba pang executive department agencies ang pagkausap sa Indonesian authorities ukol sa mga teknikalidad ng implementasyon ng deposition.
Ayon sa SC, nasa prerogative ng ehekutibo ang paghawak sa mga bagay ukol sa foreign relations at negotiations.
Hindi na anila kailangan na kunin ng executive department ang pahintulot ng hudikatura ukol sa pagtanggap, pagkontra o pagrebisa sa mga kondisyon na inilatag ng Indonesia sa pagkuha ng testimonya ni Veloso.
Naghain ng mosyon sa SC ang OSG matapos na ang inilabas na kondisyon ng Indonesia sa deposition ay nagku-conflict sa guidelines na inisyu ng trial court at SC.
Iginiit ng SC na ang nais ng OSG na pagbuo ng guidelines sa pagsasagawa ng deposition ni Veloso ay pag-amyenda na sa pinal na desisyon ng korte na hindi maaaring gawin ng Korte Suprema.
Moira Encina