Korte Suprema itutuloy ngayong araw ang oral arguments sa petisyon ni Sen. de Lima
Itutuloy ngayong araw ng Korte Suprema ang oral arguments sa petisyon ni Senadora Leila de Lima na kumukwestyon sa pagpapaaresto sa kanya ng Muntinlupa RTC kaugnay sa kasong iligal na droga.
Muling isasalang sa pagtatanong ng mga mahistrado ng Supreme Court ang abogado ni de Lima na si dating Solicitor General Florin Hilbay.
Kapag natapos na ang interpelasyon kay Hilbay ay susunod namang maglalahad ng argumento at sasalang sa mga mahistrado si Solicitor General Jose Calida para naman idepensa ang mga respondent sa kaso na si Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC Branch 204 at mga opisyal ng PNP.
Sa unang araw ng oral arguments noong nakaraang Martes, tinawag ni SC Associate Justice Presbitero Velasco na premature ang pagdulog ng Senadora sa Korte Suprema dahil may nakabinbin pa itong mosyon sa Muntinlupa RTC.
Tila anya gusto ng kampo ni de Lima ay ma-bypass ng Korte Suprema ang mababang hukuman na hindi pa naman nagdedesisyon sa mosyon nito.
Ulat ni: Moira Encina