Korte Suprema , maaaring lumabag sa saligang batas kapag pinigilan ang pagpoproklama kay BBM
Lalabagin ng Korte Suprema ang konstitusyon partikular na ang Separation of Powers kapag kinatigan ang petisyon na nagpapatigil sa pagpoproklama ng nanalong Pangulo ng bansa.
Ayon kay dating Secretary at Senador Franklin Drilon, ito ang dahilan kaya imposibleng maglabas ng temporary restraining order ang kataas taasang hukuman para katigan ang mga naghain ng petisyon na nais pigilan ang proklamasyon ni Presumptive President Bongbong Marcos.
Sinabi ni Drilon na alam ng mga mahistrado ng Korte suprema na ang Kongreso bilang National Board of Canvassers ang binigyan ng mandato ng saligang batas na magbilang at magproklama ng mga nanalong Pangulo at pangawalang Pangulo ng bansa.
Gaya ng naunang babala ni Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Drilon na maaring magresulta ito ng krisis.
Kung pipigilan raw kasi ng SC ang pagpoproklama sa pamamagitan ng TRO walang maaring maging successor dahil hanggang June 30 na lang ang termino ni Sotto at pro Tempore Ralph Recto.
Patapos na rin ang termino ni House Speaker Lord Alan Velasco at sa July 25 pa maghahalal ang mga Senador at Kongresista.
Payo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa mga naghain ng petisyon, huwag nang umasa na mapipigil ang proklamasyon ni Marcos.
Ang Kongreso aniya ang binigyan ng kapangyarihan ng saligang batas na magproklama at tiyaking magkakaroon ng mapayapang paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon bago ang June 30.
Paalala ni Zubiri 31 million ang bomoto kay Marcos at hindi rin papayag ang mamamayang Pilipino na pigilan ang kanyang pag -upo sa pwesto.
Meanne Corvera