Korte Suprema nagluluksa sa pagpanaw ni retired Justice Antonio Nachura
Pumanaw na si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Eduardo Nachura sa edad na 80.
Si Nachura ang ika-158 associate justice ng Korte Suprema.
Nagsilbi siyang mahistrado ng SC mula 2007 hanggang 2011.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Korte Suprema at ang buong hudikatura sa mga mahal sa buhay ni Nachura.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, nakikidalamhati sila sa pagpanaw ni Nachura.
Maaalala aniya si Nachura na isa sa iilan na nagsilbi sa lahat ng tatlong sangay ng pamahalaan.
Bukod sa SC, nagsilbi rin siya na undersecretary ng noo’y Department of Education, Culture and Sports sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Hinawakan din niya ang iba’t ibang posisyon sa pamahalaan gaya sa GSIS, Grains Insurance Agency Corporation, at Housing and Land Use Regulatory Board.
Nahalal din si Nachura na kongresista sa loob ng dalawang termino at naitalaga rin na Solicitor General.
Nag-aral si Nachura ng abogasya sa San Beda College kung saan nagtapos siya na first honorable mention.
Pang-pito rin si Nachura sa 1967 Bar Examinations.
Naging law professor din si Nachura sa San Beda College at sa Arellano Law School kung saan naging dean siya.
Moira Encina