Korte Suprema, pinagbigyan ang kahilingan ng DOJ na mailipat ang lugar ng paglilitis sa mga kaso kaugnay sa nadiskubreng Mega Shabu lab sa Virac, Catanduanes
Pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ng DOJ na mailipat ang lugar ng paglilitis sa tatlong kasong kriminal kaugnay sa nadiskubreng mega shabu laboratory sa Virac, Catanduanes noong 2016.
Sa isang pahinang resolusyon ng Supreme Court en banc, inatasan nito ang Branch of Clerk of Court ng Virac, Catanduanes Regional Trial Court Branch 43 na ipadala ang lahat ng records ng mga kaso sa Office of the Executive Judge ng Makati RTC.
Iniutos din ng Korte Suprema sa Executive Judge ng Makati RTC na i-raffle ang mga kaso sa loob ng tatlong araw.
Inatasan naman ng SC ang mga hukom na hahawak sa mga kaso na agad na dinggin at desisyunan ito.
Kasama sa kinasuhan sa korte kaugnay sa shabu lab sina dating NBI regional director Augusto Eric Isidoro, ang misis nitong si Angelica, mga anak ng dating Catanduanes governor at iba pang personalidad.
Una nang hiniling si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Supreme Court na mailipat sa Metro Manila ang paglilitis sa drug cases dahil sa isyu ng impartiality laban kay Virac RTC Judge Lelu Contreras at political infuence ng mga akusado.