Korte Suprema pinagkukomento si VP Robredo sa apela ni BBM vs pagbasura sa poll protest
Inatasan ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) si Vice- President Leni Robredo na magkomento sa apela ni dating Sen. Bongbong Marcos laban sa pagbasura sa poll protest nito.
Kinumpirma ni Supreme Court spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na sa resolusyon ng PET noong June 15 ay ipinagutos kay Robredo na maghain ng komento sa motion for reconsideration ni Marcos.
Binigyan ng 10 araw ng PET si Robredo na magsumite ng komento.
Noong Mayo, umapela si Marcos sa PET na baligtarin ang desisyon nito noong Pebrero na nagbabasura sa kanyang election protest.
Sinabi ni Marcos na nagkamali ang tribunal sa pag-dismiss sa kanyang Third Cause of Action na humihiling ng ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa tatlong probinsya sa Mindanao.
Nais ni Marcos na magisyu ang PET ng resolusyon na naguutos sa pagbuo ng special committee na magsasagawa ng mga pagdinig, tatanggap, at kikilatis sa mga ebidensya para sa Third Cause of Action.
Hiniling din ni Marcos na magsagawa ang PET ng preliminary conference sa kanyang Third Cause of Action at ituloy ang pagprisinta ng mga ebidensya ukol dito.
Moira Encina