Korte Suprema pinagtibay ang pag-abswelto ng Court of Appeals sa isang Palawan mayor sa bisa ng condonation doctrine
Nilinaw ng Korte Suprema ang simula ng effectivity ng pag-abandona sa condonation doctrine.
Sa ilalim ng condonation o Aguinaldo doctrine, kapag ang isang opisyal ay muling nahalal ay hindi na siya maaring disiplinahin sa administratibong paglabag na kanyang nagawa sa nakaraang termino.
Pero ang doctrine of condonation ay pinal na inabandona o ipinawalang-bisa na ng Supreme Court noong April 12, 2016 at prospective ang aplikasyon nito.
Sa latest ruling ng Korte Suprema, niliwanag nito na ang condonation doctrine ay hindi na maaaring gamiting depensa kung ang opisyal ay nahalal mula o pagkatapos ng April 12, 2016 makaraang ito ay iabandona.
Sa parehong ruling din ay kinatigan ng SC ang pagbasura ng Court of Appeals ng mga administratibong reklamo laban kay dating Puerto Princesa City, Palawan Mayor Lucilo Bayron at anak nitong si Karl Bayron.
Si Lucilo na nanalong alkalde noong 2013 ay pumasok sa contract of services sa anak nito na si Karl na ginawang Project Manager para sa Bantay Puerto-VIP Security Task Force na may buwanang kompensasyon na Php16,000 mula July 2013 hanggang December 2013.
Pinatawan ng dismissal ang mayor ng Office of the Ombudsman noong 2016 base sa administratibong reklamo na isinampa laban dito.
Ayon sa SC, aplikable pa sa kaso ni Lucilo ang doctrine of condonation dahil sa kanyang re-election noong 2015 recall elections.
Pero, binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi na maaaring palawigin ang doctrine sa muling pagkahalal kay Lucilo noong May 2016 elections dahil naipawalang-bisa na ang condonation doctrine.
Ipinunto rin SC na aplikable ang condonation doctrine sa pamamagitan ng recall elections.
Moira Encina