Korte Suprema pinalawig ang deadline ng aplikasyon para sa mga gagawing local testing centers sa 2021 Bar Exams
Aabot na sa 20 letters of intent mula sa ibat ibang institusyon na nais mag-apply bilang local testing centers para sa 2021 Bar Examinations sa Nobyembre ang natanggap na ng Office of the Bar Confidant.
Sa Bar Bulletin na pirmado ni Bar Exams Chairperson at Justice Marvic Leonen, sinabi na ang mga nasabing prospective testing areas ay nakakalat sa ibat ibang panig ng bansa.
Makakatulong anya ito para mabawasan ang gastusin ng mga bar examinees sa pagkuha ng pagsusulit.
Pero bilang pagkonsidera sa pagsasailalim sa ECQ sa Metro Manila at sa apat na iba pang lalawigan ay nagpasya ang Office of the Bar Confidant na palawigin hanggang April 8, 2021 ang pagsusumite ng letter of intent.
Ito ay para mabigyan ng dagdag na panahon ang iba pang institusyon na mapagisipan na lumahok sa makasaysayang pagsasagawa ng bar exams.
Ang pagsusulit ngayong taon ay ang kauna-unahang isasagawang localized, digital, at proctored bar examinations sa bansa.
Moira Encina