Korte Suprema pinalawig ang physical closure ng mga Hukuman na nasa NCR Plus bubble hanggang sa Holy Week ng Katoliko
Mananatiling pisikal na sarado ang mga Hukuman sa Metro Manila at apat na lalawigan na isinailalim sa GCQ hanggang sa susunod na linggo.
Ito ay matapos palawigin ni Acting Chief Justice Estela Perlas- Bernabe ang lockdown na nagtapos noong March 26, Biyernes hanggang sa Holy Week ng mga Katoliko.
Ayon kay Bernabe, bunsod ng nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay pinalawig ang physical closure ng mga korte sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal epektibo sa Lunes, March 29 hanggang Miyerkules, March 31 at sa kabuuan ng Semana Santa ng mga Katoliko.
Sakop nito ang Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at mga trial court sa mga GCQ areas.
Kaugnay nito, pansamantalang suspendido rin ang mga pagdinig sa mga korte sa mga nasabing lugar maliban sa mga urgent matters gaya ng petition for bail at habeas corpus, at iba pang tulad nito.
Gayunman, pinatitiyak na accessible pa rin sa publiko ang mga hukuman sa pamamagitan ng kanilang official hotlines at email addresses.
Moira Encina