Korte Suprema pinayagan na ang lahat ng hukuman sa bansa na makapagsagawa ng video conferencing hearings
Pwede nang makapagdaos ng videoconferencing hearings ang lahat ng korte sa buong bansa.
Ito ay matapos pahintulutan ng Supreme Court ang lahat ng iba pang first- at second level-courts na dati ay hindi pa otorisado na magsagawa ng videoconferencing hearings.
Sa dalawang- pahinang sirkular na may lagda ni Court Administrator Jose Midas Marquez, pinayagan na ang lahat ng hukuman na makapag-videocon hearings sa parehong kasong kriminal at sibil kahit ano pang stage ng paglilitis.
Ito ay bunsod ng matagumpay na pagsasagawa ng mga pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing sa ibang mga korte ngayong pandemya.
Sinabi pa ni Marquez na may kapasidad na ang lahat ng korte na magdaos ng online hearings.
Layunin din anya nito na maiwasan ang lalo pang pagka-antala ng aksyon ng mga hukuman sa mga nakabinbing kaso sa kanila.
Noong Abril ay unang inotorisa ng SC ang lahat ng korte sa NCR at mga piling court stations sa Luzon, Visayas, at Mindanao na magsagawa ng pilot testing ng videoconhearings sa mga kasog kinasasangkutan ng mga bilanggo dahil sa public health emergency.
Unti-unti namang dinagdagan at pinahintulutan ng SC ang mas marami pang mga hukuman na magdaos ng videoconferencing hearings habang umiiral ang ibat ibang uri ng community quarantine sa bansa dahil sa Covid-19.
Moira Encina