Korte Suprema wala pang aksyon sa petisyon ng mga abogado mula sa Mindanao laban sa VP impeachment case

Pinag-aaralan pa ng mga mahistrado ng Supreme Court kung pagsasamahin ang petisyon ng mga abogado mula sa Mindanao at ang petisyon na isinampa ni Vice- President Sara Duterte na kumukuwestiyon sa impeachment case laban dito.
Sinabi ni SC Spokesperson Atty. Camille Ting na bagamat kasama sa agenda ng en banc session ng Korte Suprema noong Martes ang petisyon ng Mindanaoan lawyers ay wala pang aksyon dito ang mga mahistrado.

Sa halip sa petisyon ni VP Sara lang muna pinasasagot ng SC ang Senado at Kamara sa isyu ng constitutionality ng impeachment case laban sa bise-presidente.
Wala ring inisyung TRO ang SC kaugnay sa impeachment proceedings.
Sinabi ni Atty. Camille Ting, “The supreme court is still studying whether these cases should be consolidated. As of now no action. No TRO in the meantime.”
Moira Encina-Cruz